Ang Kalihim ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya, Kalihim Fortunato T. Dela Peña ay muling bumisita sa Nueva Vizcaya partikular sa Lokal na Gobyerno ng Bayombong at Nueva Vizcaya State University noong Mayo 31, 2018.
Sa maikling pagbisita ng Secretary sa LGU Bayombong, naipangako niya na patuloy na susuporta ang ahensya sa mga programang pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga mamayan ng Bayombong. Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na teknolohiya. Isa sa mga napag-usapan ay mga kagamitan para sa pagproseso ng mga nasasayang nilang pangunahing produkto tulad ng kamatis at pinya.
Samantala, sa Welcome Program naman na idinaos ng NVSU, inilahad naman ni Dr. Wilfredo Dumale Jr., Vice President for Research & Business for Development ng unibersidad, ang mga proyektong sinusuportahan ng DOST R02 at DOST-PCAARD. Nabanggit nito na umabot na ng humigit kumulang P64 milyong halaga ang ipinundo ng DOST sa unibersidad.
Tugon naman ng Kalihim na patuloy na susuporta ang ahensya sa mga gawaing pananaliksik ng unibersidad pagkat layunin nito na mapalawak ang research & development sa bansa. Hinikayat ng Kalihim na ipasok o pangalanan ang Citrus sa Niche Center for Research (NICER) program ng DOST, ito ang programang nagtatalaga ng isang Research Center na titingin sa isang partikular na teknolohiya, produkto o bilihin.
Nabanggit din ng Kalihim na natutuwa siya sa profiles ng mga guro na ipinakita sa kanya noong dumalaw siya bilang evaluator pa lamang ng mga unibersidad na pwedeng maging delivering institution ng Project STRAND ng ahensya. Hinikayat niya ang unibersidad na magbigay pa ng karagdagang insentibo para makahikayat sila ng mas maraming applikante.
Ang Project STRAND ay isang programa ng DOST-Science Education Institute para sa mga gustong magpost-graduate study sa mga kursong prayoridad ng DOST.
Nasabi din ng Kalihim na pwede pang palawigin ang ibang mga kasalukuyang proyekto tulad ng paggamit ng Irradiated Carrageenan at Wed-based Trading System of Fruits & Vegetable, magsumite lamang sila ng proposal.
Natapos ang pagbisita ng Kalihim sa paglilibot niya ng mga pasilidad na pinunduhan ng DOST R02 at DOST-PCAARD at pagbibigay ng banana seedligs sa mga piling magsasaka. # (by FDS)